Kobe Paras: “This relief operation was Kyline and her families idea!”
Gumawa ng sariling relief efforts ang Kapuso actress na si Kyline Alcantara para sa sa mga kababayan niya sa Albay na nasalanta ng bagyong Kristine.
Sa sarili nitong paraan ay lumikom siya ng pondo para maghatid ng tulong sa mga kababayan niya.
KYLINE ALCANTARA EXTENDS HELP TO 6 BARANGAYS
Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Kyline na nalungkot siya nang nabalitaan ang malaking pinsala na dulot ng bagyo sa kanyang mga kababayan.
Nagtulung-tulong daw sila ng ilang kaibigan at kamag-anak upang makalikom ng pondo para ipambili ng mga pagkain at gamit na kailangang-kailangan ng mga nasa evacuation area.
Aniya, “Nuong nalaman ko na ang Bicol Region ang isa sa nga labis na natamaan ng Bagyong Kristine.
“Nalungkot ako at nag-alala para sa aking mga kababayan. Kaya naman ang aking pamilya at ang aming mga kaibigan ay nagtulong-tulong sa abot ng aming makakaya para matulungan ang ilan sa mga baranggay sa Albay.”
Limang barangay na raw sa iba’t ibang bayan sa Albay ang kanilang naabutan ng tulong.
Dagdag pa ni Kyline, “At maraming salamat din po sa lahat ng mga kaibigan ko na handang mag bigay ng tulong para sa aking mga kababayan.
“Padaba ko kamo mga kapwa ko Bicolano. Pirmi kitang mag tarabangan sa oras ning pangangaipuhan. Dios Mabalos satuyang gabos. (Mahal ko kayong mga kapwa ko Bicolano. Lagi tayong magtulungan sa oras ng pangangailangan. Thank you sa ating lahat.)”