Barbie Imperial sa sitwasyon ng Bicol dahil sa Bagyong Kristine: “Mahal kong Bicol, andito po ako para sa inyo.”
Isa ang Bicol region sa mga lugar sa Pilipinas na labis na naapektuhan ng hagupit ng Typhoon Kristine.
Kaugnay nito, nag-alala ang aktres na si Barbie Imperial sa sitwasyon ng kanyang mga kababayan sa Bicol lalo na’t ayon sa isang panayam ay naroon ang kanyang ina na si Marilyn “Bing” Imperial.
Sa naging panayam ng ABS-CBN sa aktres, sinabi niyang ipinagpapasalamat niya na ligtas ang kanyang ina.
Sabi niya, “Nagpapasalamat ako sa Diyos na okay ang nanay ko but I feel bad for all my kababayan.”
Sa latest post ni Barbie sa Instagram, mababasa ang mahalagang mensahe niya para sa kanyang mga kababayan doon.
“Nakakalungkot isipin ang pinsalang dulot ng #BagyongKristine. Maraming pamilya ang nawalan ng tahanan at kailangan nila ang ating tulong. Sama-sama tayong bumangon,” sulat niya sa caption.
Dagdag pa niya, “Mahal kong Bicol, andito po ako para sa inyo. #BangonBicol #BangonOragon.”
Kakabit ng kanyang post ang isang poster, kung saan makikita ang detalye para sa isinusulong niyang donation drive para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine sa Bicol.
Sa comments section, makikitang nakasuporta ang ilang celebrities kay Barbie.
Kabilang sa mga ito ay sina Ruffa Gutierrez at Vina Morales.
Sa Instagram Stories, inilahad ni Barbie na umabot na sa 81,896 pesos ang total ng donation na una nilang nalikom.
Bukod kay Barbie, ilang celebrities din ang nakiisa sa pagpapaabot ng tulong para sa mga naapektuhan ng bagyo.
Kasalukuyang nagsasagawa ng Operation Bayanihan: Bagyong #KristinePH Telethon ang GMA Network, kung saan ilan sa mga spotted na lumahok dito ay ang Sparkle stars na sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, at Betong Sumaya.